Tuesday, May 18, 2010

Paalam, Daddy Malcolm

[Mga paunang salita: Si Daddy Malcolm ay si Ernesto Basa Dimalanta, ama ng dalawa sa mga kaibigan ko sa eksena. Siya ay sumakabilang buhay noong Biyernes ng gabi sa edad na 83. Malaki ang papel na ginampanan ni Daddy Malcolm noong panahong sumisibol pa lamang ang Pinoy Punk, at malamang kilala siya ng halos lahat ng tagasubaybay ng eksenang Punk sa Pilipinas.]

Sinasabing ang kamatayan ay isang pagkakataon upang ipagdiwang ang buhay. Mas madaling sabihin ito kaysa unawain. Habang tumatanda ang tao ay dumarami ang nakikita niyang kamatayan. Kung magkaminsan ay nagiging bunsod ito upang kanyang isipin: Ganito nga ba kabilis at kapanandalian ang buhay sa mundo?

Numero (para sa alaala ni Daddy Malcolm)

Ang tao nga ba ay isa lamang numero?
Kahalintulad ng mga tala sa pisngi ng kalangitan.
May mga bituin na nabinyagan ng maririkit na pangalan,
mga bituing magaganda sa ating paningin...
Subalit mas marami pa sigurong mas magagandang tala
na kailanman ay hindi magiging abot-tanaw,
sa ating kamalayan, isa lamang silang
numero.

Ano ba ang kahulugan ng kamatayan ng isang nilalang
sa kabuuan ng sangkatauhan?
Napakaraming tao sa sandaigdigan para maunawaan ko silang lahat
at angkining bahagi ng buhay ko.
Ano nga ba ang bahagi mo sa buhay ko,
Manong magsasaka sa hilagang Tsina,
Mamang mananayaw sa Nuweba York,
Manang misyonaryo sa puso ng Aprika,
Aleng kumakain ng keso sa Kanlurang Pransiya....
Ano ang saysay ninyong lahat sa buhay ko?

Kung sasabihin ko, "Wala,
Hindi ko kayo nakikilala,
hindi ko alam ang buhay nyo, pati na ang
pangalan nyo",
Marahil nga, marahil nga,
Ang bawat isa sa atin ay isang numero.
May takdang panahon ng kapanganakan,
May takdang panahon ng kamatayan.

Subalit...

Ayokong maniwalang ang mga taong mahal ko ay
mga numero lamang.
Para sa akin,
higit pa sila sa mga naggagandahang bituin na
bininyagan ng mga siyentipiko.
Para sa mga taong mahal ko,
Aangkinin ko, pati ang pagkakilanlan ng mga taong
kailanman
ay hindi ko makikilala,
huwag lamang silang tawaging
isang numero lamang.

(Hindi po ako manunula, pero naisip ko lang isulat ito. Inspirasyon ng tatlong tasang kape.)

[Katuwang na poste sa Trash Radio Manila.]

No comments: