Ang buwan ng Agosto ang siyang itinalagang Buwan Ng Wika. Alam nating lahat ito, at malamang ay may kanya-kanya tayong mga alaala kung paano natin ipinagdiriwang ito noong tayo ay pumapasok pa sa elementarya at mataas na paaralan.
Malamang ay minsan na kayong sumayaw ng Itik-Itik (katulad ko, hahaha!), o ng Tinikling, o gumanap bilang isang marangal na binata o mayuming binibini sa isa sa mga dulang Pilipino sa inyong paaralan. Huwag na rin kayong mahiyang aminin na minsan sa buhay niyo ay humarap kayo sa maraming tao upang tumula, katulad ng mga kaklase ko noon na nakasuot ng camisa de chino at baro't saya habang tumutula ng "Ang Gabi Ni Armando Castro". (Tagapangasiwa ako noon kaya ligtas ako sa pagtula).
Subalit hindi ako nakaligtas sa mga kantahan. Taun-taon na lang ay kinakanta ng bawat antas ng aming paaralan ang awit na "Kay Ganda Ng Ating Musika". Minsan, nilalapatan siya ng mga titik na likha ng mga kaklase kong marunong magsulat ng Tagalog, pero pareho pa rin ang himig. At aaminin ko, minsan na rin akong nagsawa.
Pero ngayong nagbabaliktanaw ako, natatawa na lang ako. Kasi naman, tuwang buwan ng Agosto, ang mga sumasagi sa isipan ko ay sina Manuel L. Quezon, Jose P. Rizal, mga manunula katulad ni Huseng Batute, Francisco Balagtas at Manuel Principe Bautista, mga manunulat katulad nina Liwayway Arceo, Rogelio Sikat, at Lope K. Santos...at si HAJJI ALEJANDRO! Para sa di nakakikilala sa kanya, siya ang umawit ng "Kay Ganda Ng Ating Musika".
Sa kasawiang-palad ay wala akong mahanap na kuha ni Hajji Alejandro habang inaawit ang "Kay Ganda Ng Ating Musika" sa Folk Arts Theatre o kung saan pa man. Eto na lamang ang video/minus one. Salamat kay Delfindakila.)
Lulubusin ko na rin ang pagpapakilala sa awit na ito. Ang lumikha ng awit ay si Ryan Cayabyab. Inawit ito ni Hajji sa Metro Manila Popular Music Festival noong 1978 at ang awit na ito, sa aking pagkakatanda, ang nagkamit ng Unang Gantimpala. Hindi ako magugulat kung hanggang ngayon ay inaawit pa rin ito sa mga paaralan.
Kayo? Ano ang naaalala niyo tuwing buwan ng Agosto?
2 comments:
Ano naman, naaalala ko lagi sa Buwan ng Wika ay ang presentations ng bawat grade level or year level. Gustung-gusto ko 'yong kantang "Ating Lahi." Ang ganda talaga no'n.
Jose Mari Chan is coming to town after August
Post a Comment